Tuesday, March 17, 2009

KONSTITUSYON NG DAMLAY

Pamantasan ng Lungsod ng Marikina
Kagawaran ng Filipino
DAMLAY_PLMarian
J.P. Rizal St. Concepcion Uno, Marikina City/Brazil St. GH Marikina City

DAMLAY_PLMarian
(Opisyal na samahan ng mga nagpapakadalubhasa sa Filipino at iba pang mag-aaral ng PLMar na nagpapahalaga sa Wika, Panitikan, Sining at Kaalamang Bayan)

“Sa pagsikdo ng damdamin
kikibo ang malay.”
-MJL de Rama


Ang Pangalan

Nakaugat ang pangalan ng organisasyon sa mga salitang “damdamin at malay” na pinag-ugnay ni MJL de Rama noong ika-4 ng Abril 2003, Sta. Mesa, Maynila kung kaya nabuo ang terminong “DAMLAY”.


Salig sa prinsipyo ni A.C.Bhaktivedanta Swami Praphupada ng India na “emotion is the vehicle and thought is only a passenger” kung saan ang ugnayan ng dalawa ay di maaaring paghiwalayin sapagkat ito ang nagluluwal ng mga lakas na mapangbuo – mapangwasak… sumisinsay sa palapahaman (pilosopiya), imbensyon, kalinangan, sining, edukasyon at iba pang maaring iluwal ng “damlay” sa lundo ng laboratoryo ng buhay at pag-iral.


Ang mga pananalig na ito ang punong dahilan kung kaya’t minarapat ng mga mag-aaral ng PLMar na may tibuking makasining partikular sa wika, panitikan at kalinangang bayan na gamitin ang naturang salita upang magsilbing opisyal na pangalan ng organisasyon.


BISYON
Ang DAMLAY bilang isang organisasyong pangmag-aaral ay may pananaw na nakatuon sa paghubog ng mga kakayahan at talento ng mga kasapi upang taglayin ang kahusayan sa sining na may kaugnayan sa wika, panitikan, at pananaliksik, gamit ang wika ng bayan, at maging magaling na lider na taglay ang mapagkandiling pamumuno sa paglilingkod sa akademya, kapwa mag-aaral at para sa lipunang Pilipino sa hinaharap.


MISYON
Alinsunod sa bisyon ng PLMar, katuwang ang Departamento ng Filipino ng pamantasan ay puspusang makikipag-ugnayan ang DAMLAY sa iba’t ibang yunit ng PLMar at iba pang samahan sa labas ng pamantasan upang maipagkaloob sa bawat kasapi ang mga kalinangang hinangad salig sa “Kagalingan, Disiplina at Mabuting Panlasa” na lundo ng pagpapahalaga ng Lungsod ng Marikina.

LAYUNIN/HANGARIN


· Malinang ang mga angking galing ng bawat kasapi sa larangan ng sining – partikular sa wika at panitikan;
· Makatulong sa PLMar sa pamamagitan ng Departamento ng Filipino sa pagtataguyod ng wikang pambansa, panitikan at kalinangang bayan;
· Maging katuwang sa akademya sa mga sikhayaan (scholarly works) sa pagpapataas ng antas ng edukasyong Filipino; at
· Makapagtaguyod ng mga palihan at salamyaang pangmag-aaral na may kaugnayan sa wika, panitikan at kalinangang bayan.

P amantasan ng Lungsod ng MarikinaKagawaran ng Filipino


DAMLAY_PLMarian
J.P. Rizal St. Concepcion Uno, Marikina City/Brazil St. GH Marikina City
DAMLAY_PLMarian
(Opisyal na samahan ng mga nagpapakadalubhasa sa Filipino at iba pang mag-aaral ng PLMar na nagpapahalaga sa Wika, Panitikan, Sining at Kaalamangang bayan)

SALIGANG BATAS
AT MGA ALITUNTUNING PANLOOB
(Constitution and By-laws)

PREAMBULO
Kami, kabilang sa mga lehetimong mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) na matapat na tumtupad sa mga alituntuning pinaiiral ng pamantasan ay buong pagkakaisang pinag-ugnay ng mga layunin at mga adhikain ay matapat na dumadalangin sa Dakilang Manlilikha upang ang Kaniyang paggabay ay sumaamin sa panahon ng pagtatag at pamamahala ng isang Pang-edukasyon, Panliteratura, Pangkultura, Pansining at Pangkaalamang Bayan, Makamag-aaral at Makataong samahan na naglalayong makatulong sa pagbabanyuhay ng mga kalinangang nauukol sa mga Marikeňo at Pilipinong Bayan. Aming pagsusumikapang maisakatuparan ng buong katapatanan na salig sa Disiplina, Mabuting Panlasa at Kahusayan ng walang pagtatangi sa kasarian at kalagayang panlipunan ang mga layunin at adhikain ng samahan. Kaugnay nito, AMING ipinahahayag ang mga tadhana na nakapaloob sa Saligang Batas at mga Alintuntuning Panloob ng DAMLAY_PLMarian na takdang ipatupad at talimahin ng buong kasapian ng samahan. SUMAAMIN ANG DAKILANG PAGGABAY AT PAGPAPALA NG MAYKAPAL.

ARTIKULO I
PANGALAN AT IMPORMASYON


Sek. 1: Ang organisasyon ay makikilala sa pangalang DAMLAY na nakaugat sa pinagsanib na salitang damdamin at malay;


Sek.2: Ang DAMLAY ay binubuo ng mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina sa pangunguna ng mga mag-aaral ng Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Filipino;


Sek.3: Ang DAMLAY ay matatagpuan sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina;


Sek 4: Ang esensya ng salitang DAMLAY ay maiuugnay sa diwang mapanuklas, mapanuri at malikhain;


Sek.5: FILIPINO ang wikang opisyan ng DAMLAY sa mga pagpupulong, komunikasyon, transaksyon at mga gawain ng samahan.


ARTUKULO II

LOGO


Ang anyo at disenyo ng Logo/Selyo ng samahan ay kinakailangang naaayon sa mapagkakasunduan ng pamunuan at nakararaming bilang ng kasapian.


ARTIKULO III


PAGPAPAHAYAG NG MGA PANINIWALA AT PANUNTUNAN

]A. Paniniwala
Sek.1: Maging malaya ang bawat kasapi na makapagpahayag ng sariling saloobin at damdamin;

Sek.2: Magkaroon ng kapayapaan, pagkakaisa at pagkakapantay-pantay sa bawat miyembro na magsisilbing pundasyon ng organisasyong DAMLAY;

Sek.3: Paggalang sa karapatan at pagkakaiba-iba ng bawat indibidwal;

Sek.4: Tapat, disiplinado at maaasahan sa lahat ng pagkakataon;
Sek.5: Naninindigan sa bawat simulaing ang pundasyon ay nakaangkla sa Disipilina, Kahusayan at Mabuting Panlasa;
Sek.6: Makatulong sa pagpapataas ng antas ng Wikang Filipino sa iba’t ibang larangan;

B. Panutunan

Sek.1: May dedikasyon sa pagtupad sa mga tungkulin at layuning nailahad;
Sek.2: Pamamahalang may paggalang at pakikipagtulungan sa ibang organisasyon sa loob ng pamantasan tungo ikabubuti ng nakararami;
Sek.3: Hindi gagawa ng mga gawain o aktibidades na labag sa mga alituntuning pinaiiral ng pamantasan;
Sek.4: Kailangang komunsulta sa mga nakatataas at dumaan sa tamang proseso kung may mga proyekto o gawaing ilulunsad;
Sek.5: Ang pamunuan ng DAMLAY ang magsisilbing tagapag-ugnay ng samahan sa iba’t ibang tanggapan ng pamantasan at iba pang sektor ng lipunan;
Sek.6: Marapat na maging aktibo sa mga gawaing pampaaralan at pangkomunidad ang bawat kasapi ng samahan.

ARTIKULO IV
KASAPIAN, KARAPATAN AT RESPONSIBILIDAD

Sek.1: Ang lahat ng lehetimong mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina na may maayos na kalagayang pang-akademiko na may pagpapahalaga sa wika, panitikan, sining, kultura at mga kaalamang bayan ay maaaring maging kasapi ng organisasyong DAMLAY:
Sek.2: Ang bawat kasapi ay may taglay na mga karapatan:
2.1: Karapatang makilahok sa bawat pagpupulong;
2.2: Karapatang magnomina, makapaghalal at mahalal sa alinmang posisyon sa samahan sa panahon ng eleksyong isasagawa sa pangkalahatang asembliya;
2.3: Karapatang makapagpahayag ng kanilang opinyon o mungkahi hangga’t ito’y hindi nakakasama sa organisasyon at sa paaralan;
2.4 Karapatang makita at masuri ang mga tala ng samahan, gayundin ang mga gawaing isasakatuparan ng samahan sa pangunguna ng pamunuan;
2.5: Karapatang mapaunlad ang sarili at organisasyong kinabibilangan;
2.7: Karapatang maranasan ang mga serbisyo at pribilehiyong ipinagkakaloob ng organisasyong;
2.7: Karapatan ng bawat isa ang pagsalungat o ‘di pagsang-ayon kung ito ay makakaapekto sa kabutihan ng organisasyon;
2.8: Karapatan ng nakararaming bilang ng kasapi na magpatalsik ng sinumang nasa pamunuan ng organisayon bunga ng di pagtupad sa tungkulin at iba pang kadahilanang makasisira sa samahan;

Sek.3: Ang responsibilidad ng bawat kasapi:
3.1: Ang bawat kasapi ay kinakailangang aktibo sa mga gawain at pagpupulong tungo sa ikauunlad ng organisasyon;
3.2: Responsibilidad ng bawat kasapi na ingatan ang bawat aksyon upang ‘di masangkot sa mga gawaing makasisira sa reputasyon ng samahan;
3.3: Palaganapin ang mga paniniwala at mga layunin ng DAMLAY;.
3.4: Panatilihin ang disiplina, kahusayan at mabuting panlasa;
3.5: Protektahan at suportahan ang organisasyong ito, igalang ang napagkasunduan ng higit na nakararaming bilang ng kasapian;
3.6: Pagkakaloob ng minsanang bayad kasapian at taunang butaw na naaayon sa halagang itatakda ng samahan;
3.7: Paunlarin at panatilihin ang DAMLAY bilang isang aktibo at produktibong samahan..

Sek.4: Ang isang mabuting kasapi ay:
4.1: Hindi lumalabag sa kahit anong kautusan o patakarang pang organisasyon;
4.2: Hindi gagawa ng mga bagay na ikasisisra ng organisasyon;
4.3: Buong pusong sinusuportahan at pinaglilingkuran ang organisasyon.
4.4: Nakikibahagi sa pagpapaunlad ng organisasyon.

Sek.5: Sinumang kasapi na lumabag sa mga kautusan at patakaran; nagpakita ng kawalang paggalang sa organisasyon at ginamit ang pangalan ng DAMLAY sa ‘di mabuting paraan o pansariling interes ay papatawan ng karampatang parusa o pagtitiwalag matapos sumailalim sa imbestigasyon at tamang proseso.

ARTIKULO V
ANG PAMUNUAN

Sek.1: Sinumang kasapi na may mabuting katayuan sa organisayon ay maaaring lumahok sa halalang pampamunuan;
Sek.2: Isang taon ang takdang termino sa panunungkulan ng bawat halal na pamunuan mula sa panahong sila ay makapanumpa;
Sek.4: Sa pagkakataon na ang isang opisyal ay magdesisyon na magbitiw sa kanyang tungkulin bago matapos ang termino at tanggapin ang naturang pagbibitiw, ang pangulo ng samahan matapos sumangguni sa pamunuan ay maaaring magtalaga ng pansamantalang kahalili ng nagbitiw na opisyal hanggang sa maganap ang paghahalal ng bagong pamunuan;
Sek.5: Sinumang nasa pamunuan ay maaaring mapatalasik sa posisyon sa pamamagitan ng ‘sang katlong 1/3 boto ng kasapian sa isang espesyal na asembleya na ipatatawag ng pamunuan;
5.1: Mapapatalsik o mapapaalis ang isang opisyal sa kanyang tungkulin kung siya ay lalabag sa bawat mga tadhana at tuntunin ng organisasyon gayundin ang hindi pagganap sa kanyang tungkulin.


Sek.6: Ang Pamunuan at ang mga kakaibat na tungkulin. Ang pamunuan ng DAMLAY ay bubuin ng mga sumusunod na taglay ang mga karapatan, pananagutan at kapanyarihan:


6.1: Pangulo
6.1.1: Mangangasiwa sa kapakanan ng buong organisasyon
6.1.2: Magsilbing opisyal na kinatawan ng organisasyong DAMLAY sa bawat pagpupulong, aktibidades at mga gawaing pampaaralan.
6.1.3: Panguluhan ang pamunuan at kasapian sa lahat ng mga pagpupulong at mga gawain nito;
6.1.4: Ipatupad ang mga gawain at proyekto ng samahan sa pinakamahusay na pamamaraan;
6.1.5: Mag-isyu ng mga memorandum sa pamunuan at kasapian, lumagda sa mga dokumentong kaugnay ng mga proyekto o gawaing pinagtibay ng pamunuan/samahan, gayundin ang iba pang mga komunikasyon at mga katibayang may kinalaman sa organisayon;
6.1.6: Magpatawag ng mga biglaang pagpupulong kung ito ay hinihingi ng pagkakataon;
6.1.7: Katuwang ng mga dalubguro at tagapayo ng organisasyon sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng DAMLAY;
6.1.8: Manungkulan sa loob ng isang taon mula sa araw na makapanumpa sa panunungkulan;


6.2: Pangalawang Pangulo (Panloob at Panloob)
6.2.1: Ang pangalawang Pangulong panloob ay awtomatikong hahalili sa Pangulo sa sandaling mabakante ang posisyon nito;
6.2.2: Pamunuan ang mga pagpupulong sa panahong wala ang Pangulo ng samahan;
6.2.3: Lumagda sa mga komunikasyon sakaling wala ang Pangulo;
6.2.4: Iba pang kapangyarihang maaaring itakda ng samahan;


6.2.5: Ang Pangalawang Pangulong Panlabas ay magsisilbing kinatawan ng Pangulo sa mga gawaing panlabas na di nito madadaluhan;
6.2.6: Makipag-ugnayan sa iba’t ibang samahan at sektor kaugnay ng mga gawaing makabubuti para sa samahan;


6.3: Kalihim
6.3.1: Tagapaghanda at tagapag-ingat ng lahat ng katitikan ng pagpupulong, gawain at plano ng samahan;
6.3.2: Magbigay ng mga paalaala at imbitasyon sa mga pagpupulong sa bawat miyembro at panauhin;
6.3.3: Tagapag-ingat ng bawat dokumento o mahahalagang papeles ng organisasyon;
6.3.4: Tagasumite at tagapag-ugnay sa Tanggapan ng Lingkurang Pangmag-aaral (Office of Student Affairs - OSA) ng mga kaukulang dokumento at mga proyektong paaaprubahan;
6.3.5: Maaring kumatawan sa pangulo o mga pangalawang pangulo sa mga pagpupulong na di madadaluhan ng mga ito.


6.4: Ingat-Yaman
6.4.1: Taga-ingat ng mga ari-arian, pondo o salapi ng samahan;
6.4.2: Tumanggap at mag-ingat ng bayad kasapian o anumang pondo sa uri ng donasyon na di nakaapekto sa integridad ng samahan;
6.4.3: Tagapaghanda, tagapag-ulat at tagapag-ingat ng mga talang pampanalapi at pag-aari ng samahan;
6.4.4: Nagsasaayos at nagsiseguro na ang pondo ay sapat at maibabahagi ng tama sa bawat proyekto.
6.4.5: Maglagak at maglabas ng pondo na may pagsang-ayon ng pamunuan.


6.5: Tagatuos/Awditor
6.5.1: Tagasuma ng pondo at mga pag-aari ng samahan;
6.5.2: Katungkulang matapat na suriin ang kalagayang pampananalapi ng samahan at mga pag-aari nito.

6.6: PRO

6.6.1: Nagpapakalat ng mga impormasyon, gawain o proyekto ng organisasyon sa pagitan ng mga mag-aaral ng PLMar, mga kasapi at ibang organisasyon.
6.4.2: Katuwang sa pagpapatupad ng mga gawain, plano o proyekto ng samahan.
6.4.3: Tagapaghikayat ng DAMLAY sa mga mag-aaral na gustong maging kasapi ng samahan;
6.4.4: Tagapag-ugnay sa mga miyembro at mataas na opisyal ng samahan na may kinalaman sa mga hinaing at suhestiyon ng mga miyembro o mag-aaral.
6.4.5: Pangasawiaan ang anumang pampublikong promosyon ng mga gawain ng samahan, gayundin ang mga panlathalaing gawain nito.


6.7 Lakan at Lakambini
Tungkuling kumatawan sa organisayon sa mga patimpalak pangkisigan at pampagandahan at iba pang gawaing itatakda ng samahan.

ARTIKULO VI
PAGPAPULONG AT PANGKALAHATANG ASEMBLIYA


Sek.1: Ang taunang pulong at pangkalahatang asembliya ng pamunuan at kasapian ay gaganapin tuwing unang linggo ng Hulyo ng bawat taon; ang Pangulo ay kinakilangang iulat sa kasapian ang naging kalagyan ng mga proyekto/gawain ng samahan; sa panahon ding ito isasagawa ang eleksyon ng bagong Pamunuan ng samahan;
Sek.2: Ang taunan at espesyal na pulong ng pangkalahatang kasapian ay kinakialangang maiparating sa bawat kasapi dalawang (2) linggo bago ang itinakdang araw ng pagpupulong;
Sek.3: Ang korum o sapat na bilang ng mga dumalo ay kailangang buuin ng higit na nakakararaming bilang ng mga kasapi upang mapagpasyahan ang mga usapin, gawain at mga proyekto ng samahan;
Sek.4: Pagkakasunud-sunod ng mga Gawain – ang mga gawain para sa taunang pagpupulong ay isasagawa ng naaayon sa pagkakasunud-sunod:

1. Pagpapatunay ng pangangailangan ng itinakdang pagpupulong;
2. Pagpapatunay na may sapat na bilang ang dumalo sa naturang pulong;
3. Pagbabasa at pagpapatibay sa nakaraang katitikan ng taunang pagpupulong;
4. Paglalahad ng mga di natapos na gawain at mga isyu/paksang dapat na talakayin;
5. Pag-uulat ng Pangulo;
6. Pagtalakay sa mga munkahing gawain na makapagpapaunlad sa samahan;
7. Mosyon para sa pagbubukas ng halalan para susunod na pamunuan; at
8. Iba pang mga paksa.

ARTIKULO VII
PONDO


Sek.1: Ang pondo ng samahan ay magmumula sa bayad kasapian, taunang butaw at mga espesyal na kaloob (regalo o donasyon) at mga legal na gawaing maaaring mapagkunan ng pondo ng samahan;
Sek.2: Ang paglalabas ng pondo ng samahan sa anumang anyo ay kinakailangang pahintulutan ng pamunuan;
Sek.3: Na walang anumang bahagi ng pondo ng samahan ang maaaring gugulin sa pansariling interes o anumang gawain na walang kaugnayan sa samahan;
Sek.4: Na walang anumang bahagi ng pondong nalikom bunga ng mga operasyon ng organisayon ang maaaring ipamahagi sa kasapian sa anyo ng debidendo. Anumang pondong nalikom ay laang gugulin lamang para sa lahat ng proyekto at gawain ng samahan


ARTIKULO VIII
MGA GAWAIN AT LIMITASYON NG SAMAHAN


Sek.1: Ang samahan ay magdaraos ng iba’t ibang seminar/palihan na makatutulong sa pagsusulong ng angking kagalingan o talento ng kasapian, magsasagawa rin ng mga pagtatanghal na magsisilibing lunsaran ng talino ng bawat kasapi;
Sek.2: Aktibong pakikipag-ugnayan at pakikilahok sa mga gawain at proyekto ng pamantasan at komunidad na nakasasakop sa samahan;
Sek.3: Mangalap ng pondong laang gugulin sa mga gawain o proyekto ng samahan sa legal na pamamaraan;
Sek.4: Magpalimbag ng opisyal na pahayagan ng samahan na hindi bababa sa dalawang (2) isyu kada taon, gayundin ang pagpapalimbag ng taunang “Hasikang-Diwa” (Journal) ng samahan.


ARTIKULO IX
PAGSUSOG O MGA PAGBABAGO

Sek.1: Anumang pagsusog o pagbabago sa saligang batas at mga alituntuning panloob ng samahan ay maaring bunga ng mga sumusunod na sanhi o kadahilanan:
1.1: Mungkahi ng nakararaming miyembro ng organisasyon.
1.2: Ang pagbabago ng konstitusyong ito ay kinakailangangn ipresinta sa pangkalahatang pagpupulong upang pagtibayin ng nakararaming miyembro ng organisasyon; at
1.3: Magkakabisa lamang ang alinmang susog sa sandaling pagtibayin sa pangkalahatang asembliya ng nakararaming bilang ng kasapian.


ARTIKULO X
PROBISYONG TRANSITORI (TRASITORY PROVISION)


Sek. 1: Ang pagtatalaga ng Tagapangulo at mga kasapi ng iba’t ibang komite ay kaagad na isasakatupuran matapos makapanumpa ang mga halal na pamunuan;
Sek. 2: Ang mga naitalagang Tagapangulo at Kasapi ng bawat komite ay ipababatid ng punong tagapag-ugnay (PRO) sa mga kasapi ng samahan;
Sek. 3: Ang panunumpa ng mga nahalal sa pamunuan ay isasagawa sa mismong araw na ng pagsisimula nito sa kani-kaniyang tungkulin;
Sek. 4: Ang pagsasalin ng mga ari-arian, pondo, kapangyarihan at pananagutan ng hahalinhan sa katungkulan ay isasagawa matapos makapanumpa sa tungkulin ang kahaliling pinuno;
Sek. 5: Ang lahat ng mga batas, resolusyon, mga paalaala, memorandum, at iba pang mga pinagtibay ng hahalinhang pamunuan na naaayon sa saligang batas at mga alituntuning panloob ng samahan ay mananatiling may bisa maliban na lamang kung ang mga ito ay susugan o ipawalang bisa sa pamamagitan ng isang resolusyon na naaayon sa pinakamabuting interes ng samahan;
Sek. 6: Ang mga Batas/Tadhana sa Saligang Batas at mga Alituntunuing Panloob ng samahan ay iiral at patuloy na iiral, gayundin ang mga susog na pinagtibay habang ang samahan ay nananatiling umiiral at gumagampan sa kaniyang tungkulin.
Sinang-ayunan at pinagtibay ng pamunuan at mga kasaping tagapagtatag ng DAMLAY ngayong ika – 18 ng Hulyo 2008 sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Brgy. Concepcion Uno, Lungsod ng Marikina, Pilipinas.


MGA KASAPING TAGAPAGTATAG


BENOLIRAO, GEOSELIN JANE B.
CAMPOSANO, CHRISTIAN PAUL I.
CAPUNO, KIMBERLY M.
DINOLA, MONICA L.
DOINOG, JHOAN U.
EPANTO, WARLYN R.
ESMER, JANICE G.
FARIÑAS, MA. ZAYRA O.
FELIZARDO, RUBY M.
MENDOZA, RONNICK D.
MIRA, RYAN
RAMOS, MA. LOURDES C.
ROMUALDO, MANILYN G.
SULTAN, NESLYN R.
TOMESA, MAYLEN R.


MGA TAGAPAYONG TAGAPAGTATAG:


Prop. ADRIAN D’CRUZ BALAGOT, FAKULTAD NG PLMar
Prop. ALDRIN G. JADAONE , TAGAPANGULO, DF-PLMar

No comments:

Post a Comment